Martes, Disyembre 18, 2012

Taglamig Sa Disyerto


Mahigit dalawang buwan na ako dito sa Saudi Arabia. Sa panahong iyon ay madami na din akong naranasan na hindi ko pa nararanasan sa buong buhay ko.

Dati, kapag naririnig ko ang Saudi, ang iniisip ko ay sobrang init dahil nga isa itong disyerto. Ngunit meron din pala ditong taglamig.

Una kong naranasan ito sa aming opisina, kinailangan ko pang magdala ng jacket para lamang mabawasan ang lamig na aking nararamdaman. Sobrang lamig at halos kada kalahating oras ay pumupunta ako sa cr para lamang mabawasan ang lamig na nararamdaman ko. Andyan ang pagkuskos sa tenga at pagkiskis ng kamay pra magkaroon ng init dahil sa friction.

Nung hindi na naming kinaya ay nagrequest kami sa taga maintenance na lagyan ng tela ang ibang parte ng aming aircon. Pero kahit isa na lang butas ay medyo giniginaw pa din ako at nagjajacket pa din. Imaginin mo na lang kung hindi namin pinatakipan ang iba, siguro magyeyelo na mukha ko. Hehehe!

Dumating na din ang taglamig dito at naranasan ko na din na umabot sa six degrees ang temperatura. Brrrr… Umuusok ang bibig namin kapag nagsasalita. Kahit nasa loob ng kuwarto, nakamedyas at naka jacket na din minsan.  Kapag lumabas, hindi pwede na naka shorts at t shirt lamang, siguradong takbo ka pabalik. Pati sa pag aabang ng coaster, hindi na pwede sa labas, kundi dun sa may daanan palabas kami nag aabang.


Ganito kami  ngayon kapag nag aabang ng coaster tuwing umaga.


Walang heater ang aircon namin dito sa kwarto kaya balot na blanket with matching medyas kapag natutulog. Buti meron kami tatlong water heater sa flat (isa sa bawat cr (dalawa ang cr namin)) at isa sa kusina. Kung nagkataong wala, sigaw na lang tuwing maliligo at maghuhugas ng pinagkainan.

Matagal pa bago matapos ang tag lamig dito. Kaya ngayon, tiis muna sa lamig. Mas mabuti na ito kesa sa tag init.

Lunes, Nobyembre 19, 2012

Sana


Bakit nga ba kelangan pa mangibang bansa ang karamihan sa atin? .  Mahirap ang mawalay sa mga mahal sa buhay. Mahirap mamuhay na mag isa. Mahirap kalaban ang homesick.

Nang makausap ko ang ibang Filipino na kasama ko sa company villa, naisip ko na mas mahirap pala ang kalagayan nila. Mas malaki pa ang sweldo ko noong ako ay nasa Pilipinas kumpara sa sweldo nila (kasama na ang overtime pay nila dun).

 Bakit??? Pumasok sa isip ko na mahirap maghanap ng permanenteng trabaho sa ating bansa. Karamihan ay contractual lamang ang kanilang nakukuhang trabaho. Dito nga naman ay dalawang taon sila na meron trabaho at pwede pa ituloy pagkatapos ng kontrata. Tama nga ang mga Intsik sa Pinas, “Di baling konti kita basta dire diretso, kesa malaki nga pero minsanan lang.

Sana dumating ang panahon na hindi na kailangan ni Juan na mangibang bansa para lamang mabuhay ng ayos. Sana pag malaki na ang anak at magiging anak naming ng asawa ko ay hindi na nila kailangan na mangibang bansa para lamang makapagtrabaho ng ayos at kumita ng sapat para buhayin ang magiging pamilya nila.

Sana…..

Miyerkules, Nobyembre 7, 2012

Kung Anong Anong Kuwan Kuwan


Hindi pa dumarating ang aking iqama (residence permit dito sa KSA) ko. Kapag naibigay na sa ito sa akin ay maaari na akong magrequest para sa pagli leave out ko at bibigyan ako ng housing allowance at transportation allowance. Makakalaya na ako sa company villa. Bwahaha!

Parang bilanggo kasi kapag  nasa company villa, susunduin ng service pag alas sais y medya ng umaga at ihahatid pauwi tuwing alas kwatro ng hapon. Madalas ay tatlo lamang kaming inihahatid pauwi ng company bus namin dahil ang mga taga production ay pinag oovertime.

Ang lagi kong kasabay ay ang dalawang Nepalese tea boys namin. Sila ang taga timpla at serve ng tsaa o kape at tubig na malamig sa aming table. Kapag nakita na nila na konti na lamang ang tubig ay automatic na nila itong kukunin ang baso naming para lagyan ulit. Sosyal ano. Bwahaha!

Pagdating sa villa, madalas ay mag isa lang ako sa flat namin dahil laging may overtime ang kasama ko. Pansamantala ay dalawa lang kami sa flat na may tatlong kwarto, isang malaki at wala pang laman na sala, kitchen na sa sobrang laki ay pwede ka magpa tumbling tumbling at dalawang toilet and bathroom (tig isa kami dito. Hehehe!)

Dahil madalas akong mag isa ay kung anu ano ang ginagawa ko. Mag surf sa internet, maglaba kahit konti pa lang ang labahin (may washing machine na bigay ang company sa bawat flat), magluto (meron din gas stove at LPG), punuin ng tubig ang ref namin  na 15.67 cubic feet at palakihin at gamitin ang aking kanang braso sa pamamagitan ng……. Bwahaha, wag mag isip ng kabastusan, nag wo walling ako.

Dati ang alam ko lang na walling ay yung ginagawa ng mga artista sa pelikula, ito yung unti unting napapaupo habang dumudulas ang likod sa pader (kadalasan ay sa banyo ito ginagawa habang umiiyak ang bida, try mo. Hehe!). Walling ang tawag sa paglalaro ng tennis kalaban ang pader. Kahit minsan ay hindi pa ako nakakaranas na manalo dito. Hehehe!

Noong isang Biyernes, dahil rest day ko, mag isa lamang ako sa flat. At dahil walang kasama ay kung anu anon a naman ang pumasok sa kukote ko, hanggang sa hindi ko maiwasan na dumaloy sa aking mga mata ang luha. Buti na lamang at walang nakakita sa akin kasi dami kong nailuha. At ang may kasalanan?? Ang sibuyas na aking hinihiwa dahil ako ay magluluto ng giniling na baka.

Sabado, Nobyembre 3, 2012

Away Sa Park


May mag syota na nag aaway sa isang park. Dahil sa araw ito ng Linggo ay madaming tao ang nakakarinig at nagtitinginan sa kanila. Maging ang mga taong dumaraan ay napapatigil upang makiusyoso sa kanila.
Babae : Walang hiya kang lalaki ka, late ka na naman ng dalawang oras, alam mo naman na madami pa akong gagawin. Kung alam ko lang na late ka darating ay hindi na lang sana ako pumunta dito upang makipagkita sa iyo.

Lalaki : Aba at sumosobra ka na, bakit, ikaw ba hindi ka nalalate?

Babae : Oo nga at nalalate ako pero yun ay dahil sa traffic.

Lalaki : Eh ano yung nung isang beses na hindi ka man lang nagtext sa akin tapos nalaman ko na lang na mag malling lang kayo ng mga kabarkada mo????

Babae : Ibang usapan yun, at tsaka wala akong load, gago ka talaga. Gusto mo pang palabasin na ako ang may kasalana pero isang text lang naman yung ginawa mo. Wala ka talagang kwenta.

Lalaki : At ako pa ang walang kwenta! Samantalang sa tuwing lalabas tayo ay ako lagi ang gumagastos!!!

Babae : Isusumbat mo pa sa akin na ikaw ang gumagastos. Eh nung balentimes, hindi mo man lang ako naregaluhan samantalang binigyan kita ng polo shirt!!!

Lalaki : Binigyan mo nga ako, pero saan mo binili?? Di ba sa ukay ukay???

Babae : Walang hiya kang lalaki ka, ang tigas mo naman, ikaw na nga binigyan, ikaw pa magrereklamong tarantado ka.

Lalaki : Bungangera kang babae ka!!! Kung alam ko lang na ganan ka hindi na kita niligawan!!!

Babae : Bakit, sinabi ko bas a iyong hayop ka na ligawan mo ako???

Lalake : Demonyo ka!!

Babae : Mas demonyo ka!!!

Lalake : Siraulo ka!!!

Babae : SUPOT ka!!!

Lalake : (Medyo mahina ang boses) Hon, wag ka naman ganan, pag usapan natin ito ng ayos.

Biyernes, Nobyembre 2, 2012

Abroad


Bukas ay isang buwan na ako na wala sa Pilipinas. Malungkot ang buhay kapag malayo ka sa pamilya at mga kaibigan mo. Buti na lamang at meron ng internet at cellphone ngayon. Pwede kayo mag usap sa skype, facebook, ym, tawag sa cp, tru sms, at kung anu ano pa. Natatandaan ko dati, voice tape at sulat ang kadalasang paraan ng pakikipagkomunikasyon namin  sa tatay ko dahil hindi pa uso ang internet at cellphone.

Madalas kong naaalala ang paghahatid sa akin ng aking mga mahal sa buhay sa NAIA. Pilit kong itinatago sa kanila ang lungkot na aking nadarama para kunwari ay buo ang loob ko. Bwahaha! Napeke ko sila dun. Dahil ang totoo, may lungkot at takot ako nararamdaman. Pupunta ako sa isang bansa na iba ang kultura kumpara sa aking kinagisnan. Iba ang kanilang salita, relihiyon, pagkain at marami pang iba.

Pagdating namin sa Riyadh ay mabilis kami nakita ng sumundo sa amin mula sa kumpanya na aking pagtatrabahuhan. Noong palabas na kami ng airport ay meron kaming nadaanan na bilihan ng mga laruan at napatingin ako sa mga Barbie. Hindi ko maiwasan ang aking pagluha dahil paborito itong laruan ng anak naming ng asawa ko. Nilakasan ko ang aking loob at sinabi sa aking sarili na “Kaya mo yan. Kaya ka magtatrabaho ay para sa kinabukasan nila.”

Mas magandang kinabukasan, yan ang dahilan kaya naisipan ko mag abroad. Marami din akong mga pangarap sa buhay. Ayokong maniwala sa mga pulitiko na kaya nilang tuparin ang mga pangarap ko. Bwahaha! Malapit na ang eleksyon, ingat kayo sa ganyang pangako.

Gusto ko na pagdating ko ng kwarenta o kwarenta y singko anyos ay hindi na ako nagtatrabaho sa isang kumpanya kundi ngnenegosyo na kahit maliit lang. Gusto kong makita at makasama ang pamilya ko habang malakas pa ako. Ayoko na kung kelan uugod ugod na ako ay tsaka ako titigil sa pangangamuhan (oo, kahit nasa opisina ako, pangangamuhan pa din ang tawag dito).

May anim hanggang labing isang taon pa ako para tuparin ang mga pangarap ko. Sana ay tulungan ako ng Diyos at suportahan ako ng aking pamilya para maabot ko ang mga ito.

Huwebes, Nobyembre 1, 2012

Kamukha


Unang pag gawa ko ito ng blog. Hindi sana ito ang una ko isusulat pero dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari  kanina ay naisip ko na gawin ito. So seat back and enjoy.
Natural lamang na maging kamukha ang isang tao ng kanyang mga magulang o isa sa mga ito. Pwede din sya maging kamukha ng kanyang mga lolo o lola. Minsan pa nga ay nagiging kamukha ng kapitbahay o ni kumpare (yari pag ganito. Bwahaha).

Maraming nagsasabi at ako ay naniniwala na kamukha ko ang tatay ko at minsan pa nga ay napapagkamalan kami na magkapatid lamang (fourth year highschool pa lang sya noong maging mag asawa sila ng nanay ko).
Pero madami sa mga nakasalamuha ko ang nagsasabi sa akin na meron ako kamukha na kakilala nila.

Noong ako ay nasa high school, sinabi sa akin ng isa naming kaklase na kamukha ko daw si Romnick Sarmienta. Bwahaha, alam ko tumatawa ka, kahit ako at ang mga ibang nakarinig ay nagtawanan din sa sinabi nya. Para sa akin, malayo ang itsura ko kay Romnick (pero yummy din ako katulad nya noong teen ager pa sya. Bwahaha!) Hindi nagtagal ay nagsuot na sya ng eye glasses kasi may pagkamalabo  talaga ang mata niya. Bwahaha!

Noong ako ay nag kolehiyo, meron ako nakasama sa platoon namin sa ROTC (model platoon kami) at napapagkamalan kami na kambal o magkapatid. Natatandaan ko pa ang apelyido nya, Lagui, dahil ang mga kasama namin ay tinatawag ako minsan na Lagui at minsan naman ay tinatawag sya sa apelyido ko. Pag kami ay magkasama, kambal ang tawag sa amin ng mga kaplatoon namin.

Sa tambayan naman ng fraternity namin ay sinasabi ng mga nakikitambay na babae na kamukha ko daw si Diego Castro (I google nyo na lang kung hindi nyo kilala). Hindi ko dati alam ang itsura nya at humanap pa ako ng picture nya para malaman kung magkahawig nga kami. Meron konting similarities pero mas gwapo ako. Bwahaha!

Noong ako ay nagtatrabaho sa gawaan ng inidoro, lababo at iba pang bathroom fixtures, napapagkamalan naman ako na kapatid ng dating manager sa Finance dahil kamukha ko daw (na naman!!!).  Pati daw ang kilos, porma at style sa pag inom ng kape ay pareho kami. Noong minsan na nakita ko sya noong ay napansin ko nga na meron din kami pagkakahawig pero konting konti lamang.
Akala ko ay doon na magtatapos ang mga pagsasabi na kesyo kamukha ko si ganito o si ganun pero nagkamali ako.

Wala pa akong isang buwan dito sa Riyadh pero may mga nagsabi na agad sa akin na meron ako kamukha. Una ay ang dalawa sa mga kasama ko dito sa company villa. May pagkakatulad daw ang mukha ko sa kapatid nung isa at silang dalawa ay nagsasabi na ito ay totoo. Sa ngayon ay wala pa ako masabi tungkol dito dahil kahit taga dito din sa villa ang sinasabing kamukha ko ay magkaiba naman kami pasok.

Kaninang umaga, pumunta ako sa Procurement section ng company na pinagtatrabahuhan ko at tama ang iyong hinala. May nagsabi na naman na meron akong kamukha. Ibang lahi sila at sinabi nila sa akin na “You look like the guy from Atlas Copco.”.  Napangiti na lamang ako sa kanila dahil sabi ng isip ko, dami ko talaga kamukha at sigurado na gwapo din yun. Bwahaha!

Basta ang masasabi ko lamang, sa lahat ng sinabi ng iba na kamukha ko, mas malapit pa din ang pagkakahawig ko kay Mark Nelson.  Bwahaha! Oooops, bawal kumontra. Makitawa ka na lang.