Sabado, Marso 2, 2013

Pebrerong Kay Ganda


Sa wakas, matapos ang apat na buwang paghihintay, lumabas na din ang aking iqama (residence permit).  Agad akong nag print ng request for leave out na matagal ng nakasave sa pc ko at noong araw din na yun ay na aprubahan din ng Director namin ang aking kahilingan. Kinabukasan ay nakuha ko na ang aking housing allowance.

Pagdating ng Huwebes (Feb 7) ay lumipat na agad ako sa bahay na nirerentahan ko simula pa noong December 16 pagkatapos noon ay nagpasama agad ako kina Rey, Ramon at Joel sa pamimili ng mga gamit. Sa Batha ko nabili ang aking microwave oven at sa Lulu naman ang ref, aircon, washing machine at rice cooker. Ang naiuwi ko lang sa bahay ay microwave at rice cooker dahil yun lang ang pwede sa kotse ni Ramon, ang iba ay Sunday pa ang delivery.

Mga gamit ko sa bahay.


Pebrero 9, iskedyul ng check up ng misis ko, hindi na sya pinauwi kasi malapit na daw syang manganak, excited na ako na may halong kaba. Makikita ko na din ang pangalawa naming anak. Bandang 4 pm sa KSA (9pm sa Pinas) ng isilang si Vladimir Dragon Slayer. Sobrang saya ko na naman, katulad ng saya noong ipinanganak ang panganay namin na si Iminips. Salamat sa Diyos at ligtas na nakapanganak ang asawa ko khit nagbuhol na ang pusod ng anak namin.  Ito ang pinaka highlight ng Pebrero ko, ang pagsilang ng aming bunso.

Sweets for my baby boy (from Patisserie Jareer)


Napakabait din ng panganay naming dahil sa kagustuhan nya na makita agad ang kanyang kapatid ay hindi sya sumama sa camping nila sa school. Nakakabilib dahil kahit bata pa sya ay alam na nya kung paano mahalin ang kanyang kapatid. Little acts na matutuwa ka talaga.

Dahil hindi ko agad nakita si Vladimir Dragon Slayer ay excited na naman ako na makita sya kahit sa larawan man lang. Buti at ng post agad sa FB ang kapatid ng asawa ko. Inabangan ko din ang muling pagcha chat namin ng aking pamilya, mahirap pag nasa malayo pero kelangang tiisin para sa kinabukasan nila.


Nang dumating ang oras na nakapag chat na kami, sobrang saya ko na naman. Siguro ahit painumin ako ng pinakamaasim na suka ay hindi mawawala ang mga ngiting namumutawi sa aking mga labi (anlalim hehehe).

Video call sa FB (ayown ako sa gilid na taas)
Kahit medyo lumakas ako ngayon sa prepaid load, sulit na sulit naman dahil lahat ng ito ay para sa mga mahal ko sa buhay. Konting tiis, masarap pa din ang buhay kahit malayo sa pamilya. Sana pag uwi ko sa Pinas ay hindi umiyak si Vladimir Dragon Slayer kapag dinala ko. Siguro naman hindi sya matatakot sa akin kasi madalas ko sya kinakausap sa skype o sa chat sa FB kahit hindi pa nya ako naiintindihan.

Thank you God for all the blessings.

Sabado, Enero 5, 2013

Baliktanaw 2012


Madaming pagbabago sa buhay ko noong 2012, inumpisahan ko ang taon kasama ang mga mahal ko sa buhay at nagtapos na hindi ko sila kasama dahil ako ay nagpunta sa KSA para magtrabaho at mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan.

Naaalala ko tuloy noong namamasyal kami ng aking pamilya sa SM Dasma. Mag tsa Chinese New Year noon at naka display ang mga hula ng mga Intsik sa mga iba’t ibang taon base sa kanilang kalendaryo. Year of the Horse ako at ang nakalagay doon ay “an unexpected opportunity to travel and work abroad, do not let this pass”.

Naranasan din namin ng aking pamilya na makarating sa mga lugar na hindi pa namin napupuntahan, ang Ilocos Norte. Madami kaming pinasyalan doon, Kapurpurawan Rock Formation, Cape Bojeador o mas kilala sa tawag na Burgos Lighthouse, Bangui Windmills, ang napakagandang Pagudpud Beach, Burayoc Point at Laoag City.

Kami ng aking pamilya sa Bangui, Ilocos Norte


Isang napakagandang regalo din ang ibinigay sa amin ng paglalakbay na ito dahil nakabuo kami ng magiging pangalawang anak namin ng asawa ko. Hehehe! Nabuo si Vladimir Dragon Slayer sa Northridge Resort na pagmamay ari ng mabait na si Ate Cathy, kahit tru text lang at walang reservation fee ay ipinagreserve nya kami ng room na overlooking sa dagat.

Balik tayo sa kwento kung bakit ako nakapag abroad, medyo hindi na ako masaya sa dati kong trabaho at naisipan ko na biglang magresign noong July 11, isang araw matapos ang kaarawan ng misis ko, napakagandang regalo sa kanya. Hehehe! Wala pa akong lilipatan noon at sinuwerte naman na wala pang isang lingo (dalawang  araw sa totoong buhay kasi natanggap agad ako sa inapplyan ko noong July 12, bandang 4:30 pm matapos ang halos isang oras na skype interview na naganap sa isang computer shop sa Waltermart Manggahan).

Isang singit lamang, marami sa mga dati kong kaopisina ang lagging nagsasabi na magreresign na sila pero hanggang nagyon ay andun pa din, siguro sinasabi pa din nila na magreresign na sila. Bwahaha! Hindi kailangan na sinasabi pa sa iba ang pagreresign, ito ay dapat ginagawa kasi ito ay action word. (Next time, gagawan ko ng blog ang pagreresign, hehehe!)

August 15 ang last day ko sa dating kompanya na aking pinaglingkuran, madaming maganda at hindi magandang karanasan pero ang lahat ng iyon ay magiging gabay ko sa ikabubuti ko. Naalala ko na naman ang isang kasama na nakadalawang beses akong nagpaalam pero hindi man lang ako pinansin. Bwahaha! Badtrip pa din hanggang ngayon.
August 20, isang mauling despedida kasama ang mga dati kong pinaglingkuran bilang kanilang supervisor. May mga hindi nakarating dahil malakas ang ulan pero madami pa din ang nagtiyaga sa putikan sa Picnic Grove Tagaytay.

Mga dati kong kasama sa opisina kasama ang aking mag ina.

Matagal akong nag ayos ng mga papeles ko dahil wala akong school records, nakasama kasi ito sa pagkasunog ng bahay namin dati. Nakakainip ang walang trabaho.  October 3 ng ako ay nakaalis ng bansa. Malungkot pero kailangang tiisin. Malaki naman ang reward hehehe!

Sa Riyadh kasama ang mga dating katrabaho na ngayon ay andito din at 2 extras


Tatlong buwan na ako ngayon dito. Medyo marunong na akong magtennis. Nakadanas na ako ng 6 degrees na lamig. Naranasan ko na din ang magdiwang ng kaarawan, magpasko at magbagong taon dito sa Saudi. Lahat ay titiisin para sa mga mahal sa buhay.



Yan ang aking 2012.